"...Halina't tayo ay maglakbay sa isang maikling talambuhay ng isang maliit na bata tungkol sa kaniyang pagtuklas sa bawat suliranin sa isang lipunan na kaniyang ginagalawan."

Kabanata VI: (unfinished)






“ ‘Nay! Nakakandado na po yung pinto.” , ang aking sambit matapos kong matiyak kung nakakandado na nga yung pintuan ng bahay naming.


“Sigurado ka?”, ang malambing na paniniyak ni Nanay


“Bakit pa kasi ila-lock pa yung pinto eh… nand’yan naman si tatay sa loob ng bahay?!” , ang naiinip na singit ni ate sa usapan


Hindi kapagkaraka’y mahinahong nagpaliwanag si nanay. Aniya: “Anak… kahit naririyan si tatay mo sa loob ng bahay natin ay hindi pa rin tayo nakakatiyak.”


Naisip kong tama naman si nanay. Eh paano naman kasi? Natutulog si tatay. Napakalalim ng kaniyang tulog. Hindi na rin ako napag-utusan ni Inay na gisingin din si tatay kanina kasabay ng paggising ko kay ate. Malamang alam ko narin ang dahilan kung bakit at hindi ko na nga kailangang itanong pa. Kagabi kasi ay medyo huli na nang makauwi si tatay galing sa trabaho at alam na alam ko namang pagod na pagod siya mula rito… at hindi lamang iyon… parang may hindi maintindihang emosyon ang bumabalot sa kaniyang mukha na hindi ko na kayang ipaliwanag pagkakita ko sa kaniya kagabi.


Matapos kong magmano sa kaniya ay hindi na rin ako nakapag-usyoso pagkat inutusan na ako kasama ni ate na matulog na. Agad na akong nanaog papunta sa itaas ng hagdanan tungo sa aming k’warto pero… lunos ko lamang na pinagtatakahan kung bakit naiwan doon si nanay at si tatay na nag-uusapan. Parang napakaseryoso’t napakabigat ng kanilang pinag-uusapan wari ko nang ako’y tumitig pa sa kanilang pinaroroonan sa may sala habang paakyat na ako.


“Ate? Ano po yung pinag-uusapan nila?”, hindi na ako makatiis at naitanong ko ang ganoong mga bagay sa kaniya sa mga oras na yaon. Suplada naman siyang sumagot, “Hay naku! Wala ‘yon… usapang matatanda lang ang mga ‘yon.”
“Pero ate…” , hindi ko na naidugtong ang itatanong ko sana dahil agad na akong nasagutan ng isang malalim na hikab ni ate.


Tama. Puyat ng si tatay kagabi kaya hindi siya makakasama sa amin sa pagsimba ngayong Linggo ng umaga. Pero… tila isang misteryo pa rin ang hindi maintindihang larawan ang gumuguhit sa ekspresyon ng mukha ni tatay kagabi. Pero… ano man iyon, wari ko’y maitatanong ko naman sa kaniya mamaya pagkatapos naming magsimba nina nanay at ate na kung saan ay gising na rin siya malamang.


Pumara na si Inay ng traysikel. “Magandang umaga po!” , bati ng nagmamaneho. “Saan po ba tayo?”, dugtong pa nito.


“Sa may simbahan kami, manong.”, ang sagot ni inay. Haay… napakatamis at napakalambing talaga ng tinig ni inay. Kaya marahil pinakasalan siya ni tatay. Sana ako rin ganoon din ang aking mapakasalan balang araw, tulad ni Inay. Mayamaya’y biglang sumagi na naman sa isip ko ang aking lihim na ginigiliw, si Mina. Hay naku! Namumula na naman marahil ang aking mga pisngi.


Nang kami’y papasok na sa traysikel, ako na ang naunang magmungkahi na ako na ang maupo sa may labas ng traysikel at sina nanay at ate na lamang ang nasa loob. “Hay naku… napaka- gentleman talaga ng kapatid mo!”, natutuwang sambit ni inay at sa siya nag dugtong, “H’wag na, anak. Ako na lamang d’yan… baka ka pa mahulog.”


“Hindi po… gusto ko po talaga dito sa labas mahangin po kasi at isa pa… gusto ko ang magmasidmasid.” ,ang aking paliwanag. Matagal akong tinitigan ni nanay sa aking mga mata at nang makita niyang talagang gusto ko ang p’westo sa labas… ako’y kaniyang pinagbigyan.


Patakbo na ang traysikel nang magsimulang magpatugtog ito. Sa una’y nagustuhan ko ang aking narinig dahil sa isang Pilipino ang mang-aawit na aking naririnig. Napakaganda ng kaniyang tinig at lalo’t ang kaniyang musika. Ingles ang wikang kaniyang ginagamit.


(itutuloy...)



Copyright © 2009 by J. Estoque
All Rights Reserved

Read more...

Kabanata V: “Ang Lima kong mga Daliri”



Ewan ko ba? Hindi ko talaga maintindihan ang bugso ng aking nararamdaman ngayon… gustong magsisigaw sa kanto ng mga bagay bagay na dakila pero… hindi ko alam kung anu-ano ang mga dakilang bagay na iyon na aking isisigaw sa lahat, … parang gusto kong tumayo sa harapan ng lahat ng maraming tao para magsabi ng mahahalagang bagay tungkol sa bayan pero… anu-ano naman ang aking mga sasabihin? Ewan ko nga ba? Tila bagang nag-aapoy ang damdamin ko at naninikip tila ang dibdib ko sa isang hangarin na magawa ang isang bagay… nang hindi ko naman malaman kung ano nga ba ang bagay na iyon na gusto kong gawin.

Pinatulin ko na lamang ang aking paglalakad. ‘Yon lamang ang aking alam na gawin ngayon– ang bilisan ang aking paglalakad! Hindi ko alam… Parang gusto kong kumaripas na sa pagtakbo o dili kaya’y lumipad na! Marahil… nangangarap lang ata ako. Tama! Gusto kong makatulong balang araw para sa bayan. Gusto kong maiahon ang bayan!

Pero… kaalinsabay no’n ay parang lungkot at dalamhati pa rin ang aking nararamdaman. Maabot ko kaya ang mga adhikang iyon balang araw? Maaabot ko kaya ang langit?

Nararamdaman kong nangingislap ang aking maliliit na mga mata… naiiyak nga lang ba ako o lubos lamang na nangangarap? Ang sagot sa ganoong katanungan ay hindi ko alam. Basta ang alam ko… pauwi na ako sa bahay namin habang dala-dala ko ang bagay na ito, na aking binili kanina sa tindahan ni Manong Kalbo, gamit ang aking munti’t maliit pang palad.

Palapit na ako sa aming bahay. Narinig ko ang malalakas na tahol ng mga aso at ang hindi pahuhuling malalakas na mga boses ng aming mga kapitbahay. Mga nakapaninirang puri na mga salita at samu’t saring mga mura ang aking naririnig. Nag-aaway na naman silang dalawa, ang dalawa kong mga kapitbahay.

“Anak ka ng patis! Eh… loko ka pala eh. Lagi kong nililinis itong tapat ko… dinudumihan naman ng gago n’yong aso!” , wika ng isa na may palengkerang boses na may pagkapayat ang pangangatawan at may hawak itong walis-tingting sa kaniyang palad.

“Ano?! Ano?! Pakiulit! Hoy! Kaninong tarantadong aso ang binibintangan mo d’yan?! Baka nakakalimutan mo… may utang ka pa sa’kin na hindi mo pa binabayaran!!!” pang-aasar naman ng isa pa na may palengkera ring boses

“Ako?! May utang sa ‘yo?! Asal hayup ka ba? Matagal ko na ‘yong nabayaran sa ‘yo ha? Kahapon pa!”

“Hahaha (sarsastikong tawa)! Kahapon? Eh… magbabayad ka nga… kulang pa!”

Dagling namula ang isa sa pagkapahiya kung kaya’t bumanat naman siya sa pamamaraang alam niyang matatamaan ang kinakaaway n’ya.

“Eh ano ngayon?! Nakabayad pa rin ako! Eh… Ikaw?! Balita ko may babae daw ang asawa mo ha?! Kawawa ka naman! Kaya pala paminsan minsan ko na lang nakikita yung asawa mo!”

Napikon ang kausap. “Ano ‘kamo?! Tarantado ka pala eh! Matino ang asawa ko… hindi TULAD sa asawa mo d’yang lasinggero! Kaya ka nga walang pambabayad sa mga utang mo… eh… inuubos ng aso mong asawa sa paglalasing at pangsusugal! Hoy! … maawa ka naman sa mga anak mo… sa mga anak mong mga lampa’t payatot!”

“$@%$#@!! Hinahamon mo ko! Ha?! Hinahamon mo ako!!! Estupido ka!! Hoy....!!”

Agad na akong nanaog sa bahay naming. Ayaw ko na kasing masangkot sa gulo’t away ng dalawa naming kapitbahay. Naitanong ko na lamang sa aking sarili, ‘Gano’n nga ba talaga kaming mga Pilipino? Sa halip na pag-usapan kung papaano malulutasan ang problema… ang ginagawa ay nagsisiraan lamang.’

Marahil, malamang… ay gano’n nga… batay sa aking nakita. Nakakalungkot tuloy isipin na kaya mababagal-bagal nga ang pag-unlad ni Inang Bayan ay dahil din sa isa sa mga ugaling ito naming mga Pilipino. Kaya marahil hindi magawa-gawan ng solusyon ang partikular na problema, ang ginagawa kasi ng karamihan ay ibinibintang at itinuturo ang kamaliang ito sa iba… at saka pagkatapos no’n ay sinisiraan ang taong ‘yon.

Ah… Tama! Mayroon tuloy akong naisip!

Nagmano na akong muli kay Inay pagkakita ko sa kanya at saka ko inabot ang binili ko kanina sa may tindahan. Matapos no’n ay nagtungo ako papalayo sa kanya.

“Teka? Sa’n ka pa pupunta? Nakahanda na ang almusal… kakain na tayo.” Pag-uusisa ni Inay

“Lalabas lamang po sandali…” ang magalang kong sagot

“Dalian mo pala, ha? ‘Wag kang magtatagal. Magsisimba pa tayo.” Ang malambing niyang pagpapaalala.

Nakalabas na ako… at nag-aaway pa rin ang dalawang naming kapitbahay.

Marahil… alam ko na kung ano ang dahilan ng kanilang pag-aaway na kanila namang pinapalaki sa pamamagitan ng kanilang pagsisiraan at pagpe-personalan. Iyon nga marahil… ay kadahilan lamang ng dumi ng aso na masayang namamahinga sa tapat ng isa na may hawak na walis.

“Ay ‘sus!” Pasambit kong bulong sa aking sarili. “Kay liit liit lamang pala ng kanilang pinag-aawayan!”

Agad akong nagtungo mula sa aming bakuran at kinuha ko ang aming walis at dustpan matapos no’n ay ako na lamang ang nagwalis ng maliit na dumi na ‘yon ng aso ng kapitbahay.

Natahimik silang dalawa. Hindi ko na lamang sila pinansin. Batid ko naman kasi na kung sa halip na pag-awayan pa o dili kaya’y magturuan kung sino ang nagkasala, Bakit hindi ko na lang kaya gawan ng paraan at nang sa gayo’y maayos ito agad at matapos na ang problema.

Nailigpit ko na ang lahat at nanaog na muli ako ng bahay. Hindi ko na lamang sila pinansin na parang tulala ata sa pagkakatahimik.

Habang naghuhugas ng aking kamay sa ngayon ay napansin ko ang aking mga daliri. Tama! May lima akong mga daliri… at ang mga daliring iyon ay dapat magtulong tulong. Sa paglutas ng isang suliranin, ga’no man kalaki o kaliit, … ay hindi lamang ginagamit ang isang daliri (katulad na nitong aking hintuturo) kundi dapat ay gamitin ko ang kabuuan ng aking buong kamay.

Sa puntong iyon ay may kakaunting kasiyahan sa puso ang aking naramdaman… pagkat alam ko… na sa kahit ganoong kaliit na pamamaraan… ay nakagawa na ako marahil na bagay na dakila para sa aking bayan!


Copyright © 2009 by J. Estoque
All Rights Reserved

Read more...

Kabanata IV: “Mga Adhika!”



Medyo may pagkatagal-tagal din. Mahaba-haba kasi yung pila. Marami-rami rin ang bumibili. Sa tabi ng tindahan ay may narinig akong nakakabighaning musika ng mga biyulin. Halos magsisimula pa lamang ang awitin. Si Pachelbel yata ang kompositor no’n at ang nakakahalinang musika ay ang Kanon D-dur nga yata. Tama! Yun nga dahil napatugtog na ‘yon minsan ng guro namin sa musika. Kaya napatitig tuloy muli ako sa langit, bagay na ginawa ng D’yos na kinagigiliwan kong pagmasdan! Napakaganda! Nakakaantig ang bughaw at asul na kulay na nakaguhit sa kalangitan habang pinagmamasdan ko ang mapuputi’t malalambot na mga ulap na unti-unting nagbabago ng p’westo at lumilipad hanggang sa matakpan nito ang sikat ng araw. Unti-unti habang ang sinag ng araw ay nawawala… ay lalong kumukulimlim. Sa lalong pagkulimlim ay lalong lumalamig at sumasarap ang simoy ng hangin. Naririnig ko pa ang mahihinang sipol nito sa mga puno na unti-unti namang lumalawiswis habang naririnig ko ang masasayang paghuhuni’t pagpapagaspas ng masasayang mga ibon. Kaysarap ng pakiramdam! Sa mga taong naririto…, naabot na kaya nila ang langit? Malamang ay wala pa nga pala. Hangganan nga lamang pala iyon ng nakikita tulad ng sabi ni Lolo Tasyo.


Pero… ang ganda talaga ng langit! Nais kong makalipad, pero wala akong mga pakpak! Nais kong mangarap na makalipad balang araw, pero ang ganoong pangarap ay pinutol na ni Tatay sa kadahilanang imposible daw talaga na makalipad ang tao! Ay! Pangarap na nga lamang ang natitira sa akin. Hanggang sa panaginip na lamang ako aaasa… pero ayaw kong manatili lamang nang ganoon. Hindi daw iyon uri ng pangangarap kundi uri daw iyon ng pagkapit sa kasinungalingan! …Sabi ni Lolo Tasyo. Wika n’ya, “Kung ika’y mangangarap, mangarap ka ng bagay na alam mong kayang mong abutin. H’wag kang mangangarap dahil lamang sa ikaw ay nangangarap. Mali iyon! Dahil lalo mo lamang nilulunod sa kasinungalingan ang iyong sarili… lalo mo lamang binubulag ang iyong mga mata sa totoo mong nakikita… sa kung ano ang mundo at sa kung ano ang nararapat mong gawin sa mundo at gayun din sa iyong bayan na iyong ginagalawan! Dahil kung magkataong ika’y magising sa sinungaling na mga pangarap, Ikaw rin ang magluluksa bandang huli!”



Hindi ko na naman lubos na maunawaan iyon pero kahit kaunti’y alam kong may tumimo sa dibdib ko… na kung ako man ay mangangarap, dapat kong pagsikapan na matamo ko iyon! … at ang pangarap kong iyon marahil ay magawa ko ang aking mga responsibilidad bilang isang Krist’yano, bilang anak ng aking mga magulang, at bilang anak ng bayan! …At ano ang aking responsibilidad sa ngayon para sa bayan? Walang iba kundi ang mag-aral nga marahil nang mabuti.


Nakita ko ang mga tao sa paligid: ang tindero, ang tsuper, ang mga empleyadong nagsisipasok, at naisip ko rin ang iba pang mga bahagi ng ating bayan: mga guro, mga pari, mga sundalo, mga opisyal, mga magsasaka, at marami pang iba. Naitanong ko kung ano naman ang kanilang tungkulin. Hindi ang magsisigaw sa kalsada sa wala… kundi ang gawin din nila ang kanilang tungkulin sa bayan: ang magturo, ang maggabay sa pananampalataya ng bayan, ang maggabay sa batas ng bayan, ang pagbuklurin ang maraming tao, ang magsaka para sa pagkain ng lahat, ang ipagtanggol ang maraming tao, ang magtinda ng marangal, ang mamasada’t magbigay serbisyo sa lahat at marami pang iba!


Nalaala ko ang Lego kanina. Tama! Kung ang bawat isa’y bahagi ng lahat… at kung ang bawat bahagi ng lahat ay ginagawa ng mahusay at matino ang kanilang tungkulin… at lalo’t kung ang lahat ng iyon ay nagsama-sama at nagtulung-tulong… ang ating bayan ay sisikat muli katulad ng araw ngayong umaga na halos ang walong sinag nito’y naglalagablab!


May tila nararamdaman ako ngayong hindi ko maintindihan… at ang bagay na yao’y tila hindi mailarawan ng aking mga labi kundi ang sabihing parang nag-aapoy din ang aking puso. Tama! Maliit man ako at munting bata pa lamang, wala man akong alam sa pulitika ni nais maging pulitiko , … pero nais kong maging bahagi ng muling pag-usbong ng bayan kahit sa mga gawaing payak lamang… at sa pagkakaalam ko… ito ay ang mag-aral na munang mabuti.

Ako na ang nasa tapat ni Manong Kalbo sa kaniyang tindahan kaya’t ginawa ko na ang ipinag-uutos sa’kin nanay. Nang pagkaabot ng binibili ko at ng sukli nito ay agad na akong nagtungo papauwi. Malapit na ako sa aming bahay nang may nakita akong asong nagtatahulan at dalawang magkapitbahay na nag-aaway at nagsisigawan mula sa ‘di kalayuan…

Copyright © 2009 by J. Estoque
All Rights Reserved

Read more...

Kabanata III: “Ang Walang Maliw na ‘Mamaya na lang… Pwede?’ ”


“Ate?”, ang sigaw ko na muna… na parang bumubulong mula sa may labas ng kaniyang kwarto habang kumakatok ako sa may pinto nito.



Walang sagot.



“Ate?”, kumatok ako muli ngunit walang pa ring matinong sagot akong natanggap kundi ang katahimikang naririnig ko mula sa loob ng kaniyang kuwarto. Haay… malamang ay nasa binggit pa nga siya ng napakahimbing na pagtulog at sa ganitong lagay… ayaw pa nga ata niyang gumising.



“Ate, gumising ka na! Magsisimba pa po tayo!”, pangatlo ko nang katok sa kaniyang pinto ngunit wala pa ring sagot kung kaya’y napilitan akong pumasok sa kaniyang kuwarto… tutal… hindi naman pala ito naka-kandado.



Malinis ang kaniyang kwarto. Walang pinagbago, tila halos nagsabog ang iba’t ibang mababangong mga bulaklak sa bawat sulok nito dala ng mahalimuyak na pabango na ginagamit n’ya na s’yang akin namang nalalanghap ngayon. Aba! Kung nakakain lamang siguro ang naaamoy kong ‘yan ay malamang… akin na itong kinain dahil sa lubhang tamis nito– amoy yata ng pinaghalu-halong matatamis na sariwang prutas!



Malinis, organisado, at maaayos ang lahat ng nakikita ko roon maliban sa isang bagay… ang kama niya. At hayun s’ya… halos himbing na himbing sa pagtulog. Akap akap pa niya ang unan habang may matamis na ngiting nakaguhit sa manipis niyang labi



Magulo din ang kumot, ang unan ay kung saan saan at wala sa ayos ang kaniyang paghiga.



“Ate, bangon ka na… para maabutan pa natin yung simula ng misa!”



Mahimbing ang paghilik



“Uy?”



Tumalikod ang kinakausap kasama pa ang yakap na malambot na unan.


Inaalug-alog ko na ang kaniyang katawan ngunit wala pa rin. Haay naku! Nagpuyat na naman kasi s’ya kagabi sa kanonood ng romantikong teleserye. Ewan ko ba bakit kilig na kilig s’ya roon samantalang wala naman akong maintindihan?



Maya-maya’y tila may inuusal si Ate. Aba! Akalain mo at sa himbing ng tulog ay nanaginip pa nga? … habang ang kaniyang braso’y nakaakap sa unan at ang mgangiti’y halos umaabot na sa tainga!



“Ed…wa…ard…hmmm….Ed…”, napapaginipan nga n’ya ang nobya n’ya na pilit nililihim kay nanay lalo na kay itay. Ako lamang ang nakakaalam dahil ako ang nakatuklas sa lihim n’yang ito.



Umakyat yata ang dugo ko noon at nagtungo ako sa tabi niya at nilakasan ko ang aking boses panggisig sa kanya kasabay ng pag-aalog na naman uli sa kaniyang katawan.



Narinig na n’ya ako pero isang maarteng ungol ng pagtanggit lamang ang kaniyang sagot.



“Ate?!”



“Ugh! Iy!” , sabay maarteng kumakamot sa buhok pagkatapos sa baba at pagkatapos sumimangot sabay sumagot muli nang nakapikit ang mata, “Limang minuto… limang minuto…” sabay tumalikod muli at natulog.



Nainis na ako sa mga sandaling iyon. Gano’n kasi ugali n’ya. Nagdarasal ng lima pang minuto pero pagkatapos ng limang minuto ay hihingi na naman ng panibagong limang minuto hanggang sa ito’y umabot na ng kalahating oras at kung minsa’y… isang oras pa nga o higit pa. Ewan ko ba pero tila naiinis ako sa mga taong ganoon. Kung kaya’t hinila’t hinatak ko ang kaniyang paa paalis sa kama. “Uy! Ate!”



“Ano ba? Hindi mo ba narinig? Limang minuto pa… pwede?”, ang mataray na sagot ng kaniyang malambing na boses.



“Ate naman?” ang halos naiiyak kong sagot “Ayokong mahuli kasi sa misa… magagalit sa akin si Mama Mary pati na rin si Papa Jesus!”



Pasuplada siyang sumimangot at saka maarteng inikot ang kaniyang mga mata at saka painis na bumuga ng hangin.



Senyas na iyon na gising na s’ya kung kaya’t ako’y nanaog na pababa ng hagdanan.



Pagkababa… “ ‘Nay! Gising na po pala si Ate.”



“O sige… umupo ka na r’yan (sa may silya ng hapagkainan) at matatapos na ang niluluto ko.”



Ha?! Hindi pa pala s’ya tapos magluto…



“ ‘Nay? Ano po ulam?”



“Tuyo, anak…” magrereklamo na sana ako pero “… at ipiniritong itlog pati na rin ang paborito mong hotdog.”



Ah… di bale na lang… masarap naman pala ang agahan.



“O s’ya anak? P’wede ba kitang mautusan sandali?”, ang malambing na tanong n’ya sa’kin”



Tumango ako at saka s’ya nagpatuloy, “ Bili ka naman ng toyo kina Manong Kalbo… pang mamarinada ko lang sa baboy mamaya.”



“Bakit po?” ang magalang kong pang-uusisa



“Mag-iihaw kasi tayo mamayang tanghalian…”



Dumukot na ako ng barya sa pitaka ni nanay at saka nagtungo na…


Habang papalabas ay nakita kong muli ang aparador na ginagawa ni tatay para sa lalagyan ng marami kong libro. Nalungkot ako… pagkakita ko iyon. Papaano kasi… hindi na yata ‘yon matatapos. Halos ang bagal ng pag-unlad ng aparador na iyon. Hindi kasi iyon tinatapos ni Tatay sa iisang araw lamang. Paputol putol kasi siya kung magtrabaho. Batid ko na kayang kaya iyong matapos ng kahit mga isang araw lamang… pero halos mag-iisang b’wan na yata’t hindi pa ‘yon natatapos. Gusto ko sanang paringgan s’ya minsan na “Gagawa s’ya ng proyekto, hindi naman pala tatapusin ni tila hindi naman sine-seryoso yung paggawa ng proyektong ‘yon. Ang masakit pa ay… nangako pa s’ya.”



Haay… nababalutan tuloy ng lungkot ang nararamdaman ko ngayon. Halos mapanglaw na ata hitsurang gumuguhit sa aking mukha. Sayang! Maipagyayabang ko pa naman sana ito kina Nonoy, Pablo at Butsoy dahil sa kinikinita ko’y wala pa silang aparador na gano’n kataas tulad ng sa ginagawa ni Tatay na hindi naman ata pala matatapos.



Alam mo? Minsan pa nga ay pinaalahanan ko si tatay na “ ‘Tay? Yung aparador po?”



“Oo, anak. Ikaw… Wala kang tiwala sa tatay mo? Kayang kaya ko ‘yan… hayaan mo… mamayang tanghali.” Buong pagmamalaki’t pagmamayabang pa n’ya at tiwalang tiwala sa sarili pero… hayun! Ang ‘mamayang tanghali’y’ hindi natuloy at magiging ‘mamayang hapon’. Hindi na naman matutuloy at magiging mamayang gabi. Hindi na naman matutuloy hanggang magiging kinabukasan hanggang sa aabutin ng isang linggo, …dalawang linggo, …tatlong linggo, …hanggang sa umabot na ng isang buwan!



Ayaw ko mang mawalan ng pag-asa pero… parang natutunan ko na ring hindi umasa dahil doon. Haay… napabuntong hinga na naman tuloy ako.



Nakalabas na ako ng bahay at bumulaga sa akin ang hugis bilog na prutas na mukha ni Butsoy. Bukod sa kalaro ko s’ya ay magkatabi lamang ang mga bahay namin.



“Uy! Pepe!”, Bati n’ya sa’kin habang hawak hawak n’ya ang isang malaking eroplanong papel na pinaghirapan naming gawin kahapon.



“ ‘Lika… laro tayo!”, ang nakakatukso n’yang pag-imbita. Tatakbo na sana ako tungo sa kan’ya upang makipaglaro pero naalala ko na naghihintay si nanay sa akin.



“Mam’ya na lang. May pinapagawa pa kasi sa’kin si Nanay.” Ang tugon ko sabay napatanong lang ako, “Ikaw? Wala na bang pinapagawa sa’yo sa bahay?”



Maiinggit na sana ako sa kan’ya pero… ang sagot n’ya’y malayo pala sa inaasahan ko. “Mero’n… pero… mamaya na lang! Tutal… marami pa namang oras… at may mamaya pa naman para tapusin ko itong trabaho ko…” ang kanyang tugon sabay panunukso n’ya sa’kin, “Mamaya na rin ‘yang ginagawa mo… ‘lika laro tayo.”



“Butsooy!” sasagot na sana ako ng hindi pero dagling may galit na tinig ang aming naririnig na palakas nang palakas at palapit nang palapit sa aming kinalalagyan.



Mayamaya’y malakas na bumukas ang pintuan ng bahay nila at isang malaking ‘biik’ ang lumitaw! Ginusot ko ang mata ko. Ah! Nanay pala n’ya iyon!



“Halika nga, bata–ng! ‘to!” ang kanyang naiinis at nanggigil na sigaw



“Aray! Aray!” ang iyak naman ni Butsoy habang pinipingot ang kaniyang tainga at hinihila ito papasok sa kanilang bahay.



Biglang umikot ang ulo ng nanay n’ya paharap sa’kin (kinabahan ako!) at saka nagbigay ng maasim at pilit na ngiti, “Ma–ma–ya na la–ng, Pe–pe ha? … may ga–ga–win pa kasi si But…soy eh…” napaka- sarsastiko ng mukha niya na hindi ko na kayang maipaliwanag o maipinta lamang gamit ang mga salita. Nakangiti sa’kin pero bakas ang pagkagigil sa kaniyang anak.



Pagkasara ng pinto, may mabibilis akong mga galit na salitang narinig at isang ramdam na ramdam na “Uuuuuggh!” at mga kasunod pang mga iyak.



… Hayun! Napalo na naman…



Dumiretso na ako patungo sa tindahan nina Manong Kalbo… pero hindi iyon ang kan’yang totoong ngalan… kalbo kasi ang tuktok ng ulo nito tsaka bundat! Ay! Kung hindi mo malirip ang pagkakalbo nito… tumingin ka na lang sa rebulto ni San Francisco na siyang patron ng kalikasan.



Maraming bumibili kay Kalbo. Talagang mura kasi ang mga tinda n’ya kumpara sa ibang mga tindahan d’yan… kaya kahit may kalayuan ay doon kami nagtitiyigang bumili.



Napaisip na naman ako sa mga nangyari kanina pagbangon ko lamang sa k’warto hanggang sa kalagayan kong naglalakad ngayon patungo sa tindahan. Naalala ko ang matinding pagtanggi ni Ate na magising muna at minungkahi pa niyang bigyan pa siya ng limang minuto na tatagal din pala ng isang oras. Naalaala ko rin ang proyektong sinimulan ni Tatay na hindi na rin natapus-tapos dahil sa paputul-putol niyang pagtatrabaho hanggang sa bumagal ang pag-unlad ng ginagawa niyang aparador hanggang sa hindi na tuluyang matapos. Pati yung kay Butsoy din… yung alam mo yun? Yung pagsasantabi niya ng mga bagay na kailangang gawin at uunahin muna ang laro?



Napaisip tuloy ako ng malalim. Naalaala ko ang salitang Mañana Habit na nabasa ko kama-kailan lang sa isang pahina ng aklat na nakalimutan ko na ang pamagat. Malamang… sakit nga naming mga Pilipino ang ugaling gano’n… Ang pagsasantabi ng bagay hanggang sa tuluyan itong hindi na matapos, …Ang pagpapa- ‘mamaya na!’ sa isang gawain na susundan pang muli ng isa pang ‘mamaya na!’ hanggang sa ang ‘mamaya’ na ito ay abutin ng kinabukasan, ng lingo, ng buwan, ng taon, ng dekada, ng siglo, … o dili kaya’y ng milenyo na rin. Marahil kaya napapatagal ang pag-unlad dahil tayo mismo ang nagsasantabi nito sa hindi tuwirang pamamaraan.



Marahil… tama nga ang sabi ng napanood ko minsan sa palabas, “Ang kahapon ay walang hanggang kamatayan.” Hindi iyon ang ibig sabihin ng nasa palabas pero parang may kinalaman ang kasabihang iyon sa aking napansin sa umagang ito.



Naisip ko tuloy ang bayang ito… kaya siguro napapatagal rin ang pag-unlad ng bayan dahil sa ugaling ring ito ng mamamayan. Nabatid ko tuloy na kung halos karamihan ay ganito ang ugali… wala ngang mangyayari kundi ang hintayan na lamang. Hintayan lamang na kung saan may milagrong dumating. Maraming bagay ang maaaring gawin sa bawat minuto pero lubos itong nasasayang dahil sa pagsasantabi ng mga bagay na ito. Ang masakit pa ay kung ano pa ang mga naisasantabi ay yaon pa pala ang mas lubos pang nakakatulong o dili kaya’y mas higit pang kailangan na gawin… gaya ng nakita ko kay Butsoy kanina.



Maya-maya’y napasulyap ako sa naglalarong mga bata. Ah… hindi ang mga bata! Hindi. Ang nilalaro nila… Ang nilalaro nilang Lego ang s’yang pumukaw sa aking tingin. Ang mga batang iyon ay nakagawa ng isang matibay na pundasyon gamit lamang ang maliliit na mga Lego na pinagpatung-patong, … na pinagbuklodbuklod!



Muli ay may katanungan pumukaw sa aking isipan na… Kung ang maliliit na mga butil ng buhangin ay nakakapagtayo na ng isang malaking gusali, ganoon din kaya sa taungbayan… na kung ang kahit maliliit at payak na magagandang bagay na kanilang mga nagawa araw araw… ay makabubuo din ng isang napakatatag na bansa… kung pagbubuklod-buklod natin ang lahat ng mga iyon? … na kung ang bawat mahahalagang bagay ay hindi naisasantabi kada minuto… tayong lahat ay makakalikha ng isang dakilang bagay na makakatulong sa muling pagbangon ng ating bansa! … na kung ang lahat ng ating mga nagagawa, ga’no man kaliit at kapayak, kung pagbubuklurin ang lahat… ay makalilikha tayo ng isang matibay na pundasyon para sa kinabukasan ng atin bayan!




Naalaala ko na naman tuloy ang mabagal na pag-unlad ng aparador at si tatay. Naisip ko na ang aparador na iyon na kaniyang binubuo ay maiwawangis na natin sa ating bayan at si tatay naman ay maihahalintulad sa isang mamamayang Pilipino! Napapabagal ang pagtapos ng aparador dahil minsan ay nakakalimutan ito ni tatay, naisasantabi niya ang kaniyang hangarin na matapos ito, nagsasabi si tatay ng ‘mamaya na’ hanggang sa hindi na ito tuluyang magawa, at higit sa lahat ay nakakalimutan minsan ni tatay ang kanyang obligasyon at responsibilidad para tapusin ang hangarin na kanyang simulan!



Sayang! Kung buo ang pagpupursigi dito ni tatay na matapos agad… ay sana natapos na ito nang wala pang isang araw at hindi na sana umabot ito pagkatagaltagal at mas lalo’t hindi na pinaasa pa ang kabataang tulad ko.


“Pabili po?”, sigaw ng maliit na boses ng isang batang babae at doon ko narinig ang isang pamilyar na tatamadtamad na boses. “Anong bibilihin mo?”



Naririto na pala ako sa tapat ng tindahan…

Copyright © 2009 by J. Estoque
All Rights Reserved

Read more...

Kabanata II: “Gumising ka na, Anak!”


“Pepe! Anak! Bumangon ka na r’yan at mag-aalmusal na tayo!”, ang sigaw ni Inay mula sa may hapagkainan. May naririnig na nga akong mga kalampag ng mga plato at baso kaya’t marahil ay naghahanda na nga si Inay ng makakain namin para sa umagang ito.



Ah! Nakalimutan ko palang sabihin… Pepe nga pala ang tawag sa akin sa bahay. Iyon din ang tawag sa akin ng aking mga kaibiga’t mga kaklase pero… hindi iyon ang aking totoong pangalan. Hindi. Jose Almario dela Cruz ang aking totoong pangalan at hindi ko ikinakahiya iyon kahit tudyuhin ako ng ilan na pang probinsyano o dili kaya’y makaluma na raw ang aking pangalan. Nag-uuso na kasi ngayon ang mga amerikanong mga pangalan. Habang tumatagal ay maraming tumatangkilik sa mga pangalang ‘kano. Maganda raw kasi, Ngunit sa aking pananaw… tanda iyon ng kanilang pagkamuhi o pagkakahiya sa kanilang sariling kultura’t wika.



Ewan ko ba? Tuwang tuwa na sila sa ganoon. Parang animo’y mga banyaga sila kung kumilos ngunit hindi nila alam, mga inutil o gaya-gaya lang ang turing sa kanila ng mga ilang banyagang iyon ‘gaya ng napanood ko sa telebisyon kung papaano pagtawanan at maliitin ng maraming dayuhan ang ating pagpupumilit na umasta na parang hindi mga Pilipino. Naikumpara ko tuloy ang mga ganoong tao sa naikuwento sa akin ni Tandang Tasyo minsan tungkol sa isang Kamelyo na animo’y nagmistulang unggoy para lamang mapansin at mahangaan din sa akala niya.



Sa isang kagubatan ay mayroon daw kasing isang unggoy na napakagaling sumayaw kaya’t hinangaan ito ng lahat. Nagkataon ay napadaan ang mainggiting kamelyo at doon napasulyap. Nainggit siya kung kaya’t pumunta rin ito sa gitna at nagsasayaw-sayaw katulad ng unggoy. Kung tutuusin ay kuhang kuha niya ang pagkakasayaw ng unggoy ngunit iba ang naging reaksyon ng lahat ng nakakita. Pinagtawanan ito ng pinagtawanan hanggang sa mapahiya ito. Nagmuka tuloy itong tanga sa kagagaya niya. Dagdag ni Lolo Tasyo, “Kung sana sa halip na nanggaya ang kamelyo sa kultura ng iba ay ang kaniyang sariling kakayahan ang pinahalagahan nito… mas pupurihin pa sana siya ng lahat.”




Wari kong tama nga ang sabi ni Tatang. Bakit?... kaya nga naman bang magbuhat ng unggoy nang pagkatagal sa disyerto nang hindi umiinom tulad ng kamelyo? Tama nga si Lolo Tasyo. Kung ang sariling kakayahan at kultura ng Kamelyo sa kuwento ang kaniyang

ipinagyabang sa lahat, papupurihan pa sana siya ng lahat ng naroroon. Ang mali ay nanggaya-gaya pa kasi siya ng hindi naman talaga likas sa kaniya!



Naisip ko tuloy ang hinaharap ng ating lipunan ngayon… marami na ang mas humahanga pa sa kultura ng mga banyaga kaysa ng sa atin na lalo’t pinandidirian pa! Nawari ko tuloy na kung patuloy tayo sa pagiging ganoon ay mawawalan na tayo ng pagkakataon na ipakita ang ating sarili sa buong mundo. Hindi tayo magkakaroon ng sariling pagkakakilanlan kundi ang isang pangalan ng bansa na manghuhuwad lamang… ng pamamaraang magsalita ng iba, ng pambansang wika ng iba, ng istilo ng pananamit ng iba, ng istilo ng musika ng iba, ng kultura ng pagsayaw ng iba, ng disenyo’t arkitekto ng bahay ng iba, ng tradisyon ng iba…at lalo’t pati ang katangahan na rin yata ng iba!



Batid ko namang walang masama ang panggagaya kung alam natin na ang mga ginagayang ito ay ating magagamit at mapapaunlad upang lalo nating malinang ang mapaunlad ang ating bayan. Bakit kaya hindi natin tularan ang mga magagandang prinsipyo at kaugalian ng mga dayuhan na bihirang bihira makita sa ating mga Pilipino?... tulad na lamang ng pamamaraan ng disiplina ng iba, ng istilo ng pamamalakad ng iba sa kanilang sariling mga lugar, sa kung papaano mag-isip ang iba sa kung ano ang makabubuti at sa kung ano naman ang hindi.
…Ngunit iba sa aking nakikita. Ang uri ng panghuhuwad ng mga bagay na hindi naman likas at nakabatay sa ating lahi ay yaong lason lang na nakamamatay sa ating sariling kultura at pagkakakilanlan! Habang lalo nating tinatalikuran ang ating sariling kultura ay lalo natin itong napapabayaan hanggang sa tuluyan na nga itong mamatay!



Naalaala ko pa ang nawika ng aming guro sa asignaturang Sibika at Kultura. Ang Pilipinas raw ay nagtataglay ng napakaraming magaganda’t makukulay na wika, kultura’t tradisyon… ngunit naitanong ko sa aking sarili… kung gayon… bakit hindi ito gaanong kilala at pansin ng buong mundo. Kasabay nito’y lalo kong naisip na payak lamang ang sagot sa tanong na iyan. Ito’y sa kadahilanang hindi natin nabigyan ng gaanong pagpapahalaga ang sarili nating kultura. Ang kultura at tradisyon ng iba ang mas pinapaunlad natin pati na rin ang istilo nilang manamit at ang estilo ng pagkakadisenyo ng kanilang mga tirahan. Ni wala na ako gaanong nakikitang mga sayaw at mga musikang mayroong katutubong kulay. Nakatuon kasi ang ating mga mata sa mga banyagang bagay dala ng ating kaisipang kolonyal! Kailan pa nga kaya tayo tuluyang magigising?


“Anak, gising ka na ba? Dalian mo at magsisimba pa tayo!”, ang tawag uli ni Inay mula sa may hapagkainan. Tapos na siguro siyang makapag-ayos para sa aming pang-aagahan.



“Nar’yan na po, Inay! Pababa na…” ang sagot ko



“Ay! Siyanga pala… gisingin mo na rin pala ang Ate mo.”, paalala niya sa akin.
Diyan nga lang pala sa may tabi ang kuwarto ni Ate. Halos katapat lang ng kuwarto na pinagtutulugan namin nina Nanay at Tatay. Katabi ko kasi silang matulog.



Nag-alis muna ako ng aking mga muta sa mata at saka inayos ko na ang aking pinagtulugan. Matapos n’on ay nagsuot na ako ng sapin sa aking paa sabay nag-unat nang kaunti at saka tuluyan nang bumangon upang katukin ang pinto ng kuwarto ni Ate…


Copyright © 2009 by J. Estoque
All Rights Reserved

Read more...

Kabanata I: “Sa Isang Dipa ng Langit”


Haaay! Umaga na naman… parang kailan lang at kay bilis nga naman ng panahon. Parang kahapon ay araw lamang ng Biyernes nang ako’y papauwi galing sa klase na tuwang tuwa pa at nagsisitakbo sa daanan habang sabik na sabik na papauwi sa aming bahay! Marahil… batid ko naman kasing basta sa araw ng Biyernes ay walang pasok kinabukasan! Marahil… nakatatak na nga sa aking isipan na kinabukasan ng araw na yaon ay isang espesyal na araw para sa akin lalung lalo na’t malayang araw iyon para naman ako’y makapaglaro muli kasama nina Nonoy, Pablo at ni Butsoy sa may parke. Hindi kasi ako pinapayagang makapaglaro sa tuwing araw na mayroong klase. Naalaala ko tuloy nang ako’y maanyaya minsan ng aking mga kaklase na makipaglaro, makipagbunuan, at makipaghabulan sa may hardin na bandanag patyo doon sa tabi ng simbahan. Napakaganda at napakalawak ng hardin na iyon at masasabing ang lugar na iyon ay siya ngang pinakaperpektong lugar ng paglalaruan.



Ngunit ang mali’y Lunes noon lalo’t may kasabihan ang aking mga magulang na sinusunod sa tuwing unang araw… maaaring sa unang araw ng taon, unang araw ng buwan o sa unang araw ng linggo. Pero… ewan ko! Ang sabi nila’y sa tuwing mga ganoong araw ay pagbutihin mo at iwasan ang mga hindi kanais nais na bagay kung sakali dahil ang araw na iyon daw ang magsisilbing pundasyon mo para sa susunod pang mga araw.



Dahil sa sobrang pananabik dala ng kagandahan ng hardin at lalo’t naroroon at kasama din ang aking lihim na ginigiliw na si Mina, na aking kaklase at bukod tanging pinakamaganda sa lahat para sa akin, ay tila unti unti kong nakakalimutan ang kabilinbilinan ni Tatay ko: ang huwag maglalaro sa tuwing ng araw nga pasukan lalo’t kung Lunes pa naman din! Eh? Papaano naman kasi… halos lahat na ata ng mga kaklase ko ay naroroon noong mga oras na iyon ng uwian… at lalo’t andoon pa ang aking kinagigiliwan? Sino naman kaya ang hindi mapapa-oo sa pangyayaring iyon?



At nangyari nga ang hinihintay… nagtakbuhan kaming lahat na magkakaklase tungo sa hardin. Naglaro kami ng tagu-taguan, patintero, mataya-taya, bang-sak , tatsing… at marami pang iba. Parang halos naghahalu-halo ang lahat ng nakakaaliw na kulay ng mga bulaklak sa hardin sa ligaya at tuwa na aming nararanasan… at mas lalo’t nahulog na tila yata ang langit ng magkasalubungan kami ng mga kamay ng aking ginigiliw! Haaay… naisip ko tuloy na kaawaawa naman siya. May isang lalong namumula ang mga pisngi nang hindi niya namamalayan. Pero… tama na iyon marahil na hindi niya malaman lalo’t mga bata pa kami. Kung maging asawa ko na siya sa napakamurang edad na ito, ano ang aking ipapakain lalo na’t papaano kung magkaroon pa kami ng anak galing sa kidlat at kulog gaya ng sabi ni nanay… ano ang ipapakain ko sa maliliit na nilalang na mga ito?



Mag-aagaw dilim na ata noon nang kaming lahat na magkakaklase ay halos naligo sa pawis at hapong hapo. Halos mangasimngasim na ang aking mga kilikili noon… pero wala namang tatalo pagdating kay Nestor. Halos nangigitim na ata ang gilid gilid ng mga linya sa may kilikili niya! Kinantyawan namin siya ng “Boy Toyo” dahil sa itim na guhit guhit sa kilikili niya.

Pinagmasdan ko ang magandang hardin, naku! Hindi na pala namin namalayang nasira na namin halos kalahati ng bilang ng mga bulaklak doon. Hindi na nga ito nagmukhang hardin! Hindi kaya magagalit si Padre Manuel dito sa pagkasira namin sa mga bulaklak na tanim nya?



Halos mayroong dilim nang nakaguhit sa langit nang magbigay kami ng paalam sa isa’t isa. Haay! Ang saya saya kong umuwi noon. Halos ako’y paluksolukso pa sa paglalakad at pakantakanta pa habang papauwi sa bahay namin… nguni’t iba ang nangyari sa aking pagpasok pa lamang sa pinto ng aming tahanan. Ang masayang ihip ng hangin na iyon ay dagling nawala pagkasalubong sa akin ni Tatay na may kasama pang sinturong nakapulupot sa kaniyang nanggigigil na kamay.

“Saan ka galing ikaw bata ka!!!”, ang nakakabingi at galit na galit niyang sigaw. Napasulyap ako sa orasan namin, alas-sais pasado na pala. Umamba ang braso ni tatay paitaas, umawat naman si nanay… ngunit nangyari nga ang dapat mangyari…


Halos papilaypilay akong pumasok sa paaralan at ang mga palo ay tila sariwa pa sa aking pwet na hindi naman gasinong matambok! Nangako ako sa sarili noon na hindi na ako kailanman makikipaglaro sa tuwing mga araw ng pasukan lalo’t kung ang araw na iyon ay Lunes… at kasabay ng sumpa na hindi na ako mapapalo ni Itay kailanman dahil sa aking pagkakamaling nagawa. Sumama din ang loob ko kay Mina. Kapag kinakausap niya ako, tinatakpan ko lamang ang aking mga tainga na parang walang naririnig. Sa tuwing kinakawayan naman ay tila wala akong nakikita. Ngunit… kasabay no’n ay naawa tuloy ako sa kanya… nagagalit ako sa kanya nang hindi naman n’ya alam ang dahilan! Nagtampo tuloy siya sa akin.



Haay… napapabuntong hinga na naman tuloy ako nang maalaala ko iyon at heto na naman ako… nakatulala sa hangin habang nakatitig sa bintana. Ayaw ko pang igalaw ang inaantok ko pang katawan. Parang tinatamad pa akong bumangon kaya’t tinitigan ko muna ang langit mula sa bintana.



Umagang umaga na nga! Halos karagatan na ang kulay ng himpapawid… at ang bughaw na kulay na iyon ay nakapanlalamig sa paningin ng aking mga mata habang minamasdan ko rin ang araw ay na unti unting sumisikat paitaas.


Kayganda nga naman ng langit. Ang langit? Nabatid ko tuloy ang nawika sa’kin minsan ni Lolo Protacio na mas kilalang “Tandang Tasyo” sa aming lugar.


Wika niya, “Ano ang langit? Ang langit ay hindi nakikita, … hindi nahihipo, … at hindi naaabot. Iyan ay hindi langit kundi siyang hangganan lamang ng pananaw at ng nakikita ng tao. Ang langit ay nasa tao…”


Baliw ang turing sa kanya ng marami dahil sa kanyang pamamaraan sa kung papaano siya mag-isip na lubos na hindi talaga maintindihan ng nakararami… dagdag pa ng madungis nitong pananamit at gulu-gulong nitong buhok na hindi na ata nasusuklay. Hmm… malamang ay lubhang na niyang napapabayaan ang sarili lalo’t nga’t napakatanda na niya at wala pa siyang kasa-kasama. Tama… siya’y nag-iisa na lamang at halos ulila na ngang talaga.



Naitanong ko tuloy sa aking sarili sa pagkakataong ito, “Sa mga taong nananahan sa bayang ito? May salitang langit pa ba para sa kanila?” Halos kakikitaan ko kasi na tila wala nang pag-asa ang bayan na ito na umunlad gaya ng pagkarinig ko minsan sa laging painis na nasasambit ni Tatay habang siya’y nanonood ng mga balita sa telebisyon. ‘Yun ang naririnig ko sa kanya kaya’t malamang… tama ang mga salitang iyon.



Ngunit hindi pa rin mawala sa maliw ko ang idinagdag na pahayag ni Lolo Tasyo sa akin na… “Ngunit magkagayon man daw… kahit ang langit man ay hindi natin mahipo, hindi maabot, at ni hindi mahaplos, Ang magandang kalangitang siyang hangganan ng ating nakikita’t pananaw ay palaging mananatiling naririyan at hindi mawawala sa itaas… hindi upang tayo’y panghinaan ng loob kundi’y upang tayo’y lalong magpursigi at lalong magsumikap na maabot ang langit na iyan kahit na alam nating aabutin tayo ng mahabang panahon upang mapagtagumpayan ang ating mga adhika’t mga pangarap!”



“Eh… Tatang? Papaano kung gabi naman? Papaano kung ang langit ay nasa binggit ng kadiliman? Ni wala ka nang makita kundi kadiliman. Walang mga ulap na maaaliwalas o kaya’y kahit ang araw man lamang na sumisikat at nagsasabog ng liwanag ay hindi mahagap ng inyong paningin? Walang kang makitang liwanag kundi tanging buwan lamang na siyang malabo naman ang binibigay na ilaw sa atin kasama ng mga maliliit lang na mga bituwin?”, ang naitanong ko sa kanya sa mga oras na iyon. Napangiti siyang tumitig sa aking mga mata na tila ang mga mata niya’y kumikislap kahit na malabo na ang kaniyang paningin. Kasabay nito’y ang kanyang dagling pagsagot sa aking katanungan.



“Kung gayo’y naririyan ang mga tala sa malalim na gabi. Maliliit lamang sila at ang pagliliwanag nito’y hindi gaanong nakakasilaw hindi tulad ng sa araw. Magkagayon pa man ay nagsasabog pa rin sila ng ningning, ng liwanag. Malabo man ang ningning nito ngunit ito’y nagsisilbing tanglaw… nagsisilbing munting liwanag sa taong nagdurusa sa kaliliman ng gabi…, at mas lalo’t ito’y nagsisilbing gabay… nagsisilbing direksyon sa taong nawawalan ng landas tungo sa muling pagbukang liwayway.”



Lubos na may pagkalalim ang kaniyang mga sinabi at sadyang hindi pa maunawaan ng aking mura at sariwang pag-iisip. Ngunit… magkagayon man… naantig ang aking puso at halos gusto ko na atang lumuha kahit hindi ko alam kung bakit.



Ay! Naisip ko tuloy na sana narinig iyon ni Tatay sa mga panahong iyon. Tila sira na kasi ang pagtingin niya sa bayang ito… pag-asa na nga lang ang natitira, papabayaan pa itong makaalpas?

Patuloy ang pagtingin ko sa napakagandang kalangitan mula sa bintanang halos isang dipa lamang kung susukatin sa malayo ng aking maliliit na palad. Ang malas nga lamang… habang patuloy ang aking pagkatulala sa magandang langit ay may malakas ngunit malambing na tinig mula sa ibaba ang tumawag sa akin– iyon ay si Inay…

Copyright © 2009 by J. Estoque
All Rights Reserved

Read more...
Kung kayo'y may mga kaisipan na nais ninyong ibahagi, mga karanasang alam ninyong siyang maaaring maging isang kabanata para sa akdang ito, mga bagay na natuklasan na sa palagay ninyo'y dahilan kaya hindi umunlad-unlad ang bayan, mga mga bagay na inyong nais na pagdiskusyunan, o kaya'y mga bagay na nais nyo lamang ikuwento...

Kayo'y malugod kong inaanyayahan na magpadala lamang ng Mensahe sa address na ito:

Magpadala ng Mensahe

P.S.: Kung may alam kayong mga ilang blogsite o website na siyang may nilalaman na may kinalaman sa bayan, sa gobyerno, sa moral reform, atbp.

Ako'y humihingi ng pahintulot kung h'wag nyo sanang masamain na maipadala ninyo sa akin ang mga links upang maidagdag ko sa ibaba bilang pantulong para sa lalo pang pagpapaunlad ng mga kaalaman at pagpapalagablab ng damdaming makabayan.

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP