"...Halina't tayo ay maglakbay sa isang maikling talambuhay ng isang maliit na bata tungkol sa kaniyang pagtuklas sa bawat suliranin sa isang lipunan na kaniyang ginagalawan."

Kabanata V: “Ang Lima kong mga Daliri”



Ewan ko ba? Hindi ko talaga maintindihan ang bugso ng aking nararamdaman ngayon… gustong magsisigaw sa kanto ng mga bagay bagay na dakila pero… hindi ko alam kung anu-ano ang mga dakilang bagay na iyon na aking isisigaw sa lahat, … parang gusto kong tumayo sa harapan ng lahat ng maraming tao para magsabi ng mahahalagang bagay tungkol sa bayan pero… anu-ano naman ang aking mga sasabihin? Ewan ko nga ba? Tila bagang nag-aapoy ang damdamin ko at naninikip tila ang dibdib ko sa isang hangarin na magawa ang isang bagay… nang hindi ko naman malaman kung ano nga ba ang bagay na iyon na gusto kong gawin.

Pinatulin ko na lamang ang aking paglalakad. ‘Yon lamang ang aking alam na gawin ngayon– ang bilisan ang aking paglalakad! Hindi ko alam… Parang gusto kong kumaripas na sa pagtakbo o dili kaya’y lumipad na! Marahil… nangangarap lang ata ako. Tama! Gusto kong makatulong balang araw para sa bayan. Gusto kong maiahon ang bayan!

Pero… kaalinsabay no’n ay parang lungkot at dalamhati pa rin ang aking nararamdaman. Maabot ko kaya ang mga adhikang iyon balang araw? Maaabot ko kaya ang langit?

Nararamdaman kong nangingislap ang aking maliliit na mga mata… naiiyak nga lang ba ako o lubos lamang na nangangarap? Ang sagot sa ganoong katanungan ay hindi ko alam. Basta ang alam ko… pauwi na ako sa bahay namin habang dala-dala ko ang bagay na ito, na aking binili kanina sa tindahan ni Manong Kalbo, gamit ang aking munti’t maliit pang palad.

Palapit na ako sa aming bahay. Narinig ko ang malalakas na tahol ng mga aso at ang hindi pahuhuling malalakas na mga boses ng aming mga kapitbahay. Mga nakapaninirang puri na mga salita at samu’t saring mga mura ang aking naririnig. Nag-aaway na naman silang dalawa, ang dalawa kong mga kapitbahay.

“Anak ka ng patis! Eh… loko ka pala eh. Lagi kong nililinis itong tapat ko… dinudumihan naman ng gago n’yong aso!” , wika ng isa na may palengkerang boses na may pagkapayat ang pangangatawan at may hawak itong walis-tingting sa kaniyang palad.

“Ano?! Ano?! Pakiulit! Hoy! Kaninong tarantadong aso ang binibintangan mo d’yan?! Baka nakakalimutan mo… may utang ka pa sa’kin na hindi mo pa binabayaran!!!” pang-aasar naman ng isa pa na may palengkera ring boses

“Ako?! May utang sa ‘yo?! Asal hayup ka ba? Matagal ko na ‘yong nabayaran sa ‘yo ha? Kahapon pa!”

“Hahaha (sarsastikong tawa)! Kahapon? Eh… magbabayad ka nga… kulang pa!”

Dagling namula ang isa sa pagkapahiya kung kaya’t bumanat naman siya sa pamamaraang alam niyang matatamaan ang kinakaaway n’ya.

“Eh ano ngayon?! Nakabayad pa rin ako! Eh… Ikaw?! Balita ko may babae daw ang asawa mo ha?! Kawawa ka naman! Kaya pala paminsan minsan ko na lang nakikita yung asawa mo!”

Napikon ang kausap. “Ano ‘kamo?! Tarantado ka pala eh! Matino ang asawa ko… hindi TULAD sa asawa mo d’yang lasinggero! Kaya ka nga walang pambabayad sa mga utang mo… eh… inuubos ng aso mong asawa sa paglalasing at pangsusugal! Hoy! … maawa ka naman sa mga anak mo… sa mga anak mong mga lampa’t payatot!”

“$@%$#@!! Hinahamon mo ko! Ha?! Hinahamon mo ako!!! Estupido ka!! Hoy....!!”

Agad na akong nanaog sa bahay naming. Ayaw ko na kasing masangkot sa gulo’t away ng dalawa naming kapitbahay. Naitanong ko na lamang sa aking sarili, ‘Gano’n nga ba talaga kaming mga Pilipino? Sa halip na pag-usapan kung papaano malulutasan ang problema… ang ginagawa ay nagsisiraan lamang.’

Marahil, malamang… ay gano’n nga… batay sa aking nakita. Nakakalungkot tuloy isipin na kaya mababagal-bagal nga ang pag-unlad ni Inang Bayan ay dahil din sa isa sa mga ugaling ito naming mga Pilipino. Kaya marahil hindi magawa-gawan ng solusyon ang partikular na problema, ang ginagawa kasi ng karamihan ay ibinibintang at itinuturo ang kamaliang ito sa iba… at saka pagkatapos no’n ay sinisiraan ang taong ‘yon.

Ah… Tama! Mayroon tuloy akong naisip!

Nagmano na akong muli kay Inay pagkakita ko sa kanya at saka ko inabot ang binili ko kanina sa may tindahan. Matapos no’n ay nagtungo ako papalayo sa kanya.

“Teka? Sa’n ka pa pupunta? Nakahanda na ang almusal… kakain na tayo.” Pag-uusisa ni Inay

“Lalabas lamang po sandali…” ang magalang kong sagot

“Dalian mo pala, ha? ‘Wag kang magtatagal. Magsisimba pa tayo.” Ang malambing niyang pagpapaalala.

Nakalabas na ako… at nag-aaway pa rin ang dalawang naming kapitbahay.

Marahil… alam ko na kung ano ang dahilan ng kanilang pag-aaway na kanila namang pinapalaki sa pamamagitan ng kanilang pagsisiraan at pagpe-personalan. Iyon nga marahil… ay kadahilan lamang ng dumi ng aso na masayang namamahinga sa tapat ng isa na may hawak na walis.

“Ay ‘sus!” Pasambit kong bulong sa aking sarili. “Kay liit liit lamang pala ng kanilang pinag-aawayan!”

Agad akong nagtungo mula sa aming bakuran at kinuha ko ang aming walis at dustpan matapos no’n ay ako na lamang ang nagwalis ng maliit na dumi na ‘yon ng aso ng kapitbahay.

Natahimik silang dalawa. Hindi ko na lamang sila pinansin. Batid ko naman kasi na kung sa halip na pag-awayan pa o dili kaya’y magturuan kung sino ang nagkasala, Bakit hindi ko na lang kaya gawan ng paraan at nang sa gayo’y maayos ito agad at matapos na ang problema.

Nailigpit ko na ang lahat at nanaog na muli ako ng bahay. Hindi ko na lamang sila pinansin na parang tulala ata sa pagkakatahimik.

Habang naghuhugas ng aking kamay sa ngayon ay napansin ko ang aking mga daliri. Tama! May lima akong mga daliri… at ang mga daliring iyon ay dapat magtulong tulong. Sa paglutas ng isang suliranin, ga’no man kalaki o kaliit, … ay hindi lamang ginagamit ang isang daliri (katulad na nitong aking hintuturo) kundi dapat ay gamitin ko ang kabuuan ng aking buong kamay.

Sa puntong iyon ay may kakaunting kasiyahan sa puso ang aking naramdaman… pagkat alam ko… na sa kahit ganoong kaliit na pamamaraan… ay nakagawa na ako marahil na bagay na dakila para sa aking bayan!


Copyright © 2009 by J. Estoque
All Rights Reserved

3 Mga Reaksyon:

Teacher Dan Hulyo 1, 2009 nang 6:28 AM  

Napakaganda ng iyong pahina...Sana ay magpatuloy ka sa paggawa ng mga akdang sariling atin.

Salamat muli sa iyong komento sa aking blog. Hindi pa nga lang malaman ang blog kong iyon kumpara sa blog mo...

Ipagpatuloy mo ang iyong katangi-tanging adhikain...

Teacher Dan
Guro sa Filipino II
School of Saint Anthony

kulas Hulyo 15, 2009 nang 2:59 PM  

Ok ang kuwento mo. Mabuti na lang at hindi ka nadamay sa alitan ng mga kapitbahay mo.

Inday Hulyo 16, 2009 nang 10:31 AM  

Sa limang daliri sa bawat kamay, ang Hintuturo ang siyang pinakabastos at walang asal. Daliri na siyang nagdadala ng simbolo ng pagka-walang Galang.

Kay ganda ng alituntunin mo sa kwentong ito. Ngayon, ang isip ng bata mismo ang nakahagilap ng kuro-kuro kung bakit ang bayan natin ay makupad at mabagal sa pag-unlad.

Asal Pinoy, mga negatibong ASAL and siyang nagpapabagal sa ating kaunlaran.

*Tamad
*Tsismosa
*Lakwatsero
*Manggugulpi
*Kawatan
*Lasenggero
*Sugalero
*Babaero
*Palikero
*Inggetero
*Insultador
*Materyoso

Marami at marami pa. Kung gusto daw natin ang Pagbabago ... SARILI daw muna natin ang ating babaguhin.

"The change must come first from within US."

Ano na ang nangyari sa bandila ng Bagong Lipunan?

Kaya sa mga pagtitipon-tipon ng kapwa kababayan dito kadalasan ay nauwi sa NO y NADA. Dahil ang uwi ng pagtitipon na ito ay sa Tsismis at Inggitan ang bagsak.

Hindi mo maaaring alisin ang boses Palengke dahil parang Noli Me Tangere din yata ang mga masasayang ugali nating Pinoy yong nagbibiru-an ng maanghang sa madaling sabi "Insultuhan". Ayon ang kasunod AWAY na.

Ah well, anong klaseng horror ito?

Tama ka. Kung ang lahat ng mga daliri ay gagamitin sa pagwalis ng konting dumi ng aso lalo pa't may tulungan, madaling ayusin at linisin ang paligid.

Cleanliness is next to Godliness. Godliness is the key to prosperity.

Ang bansang nakabalot sa immoralidad ay walang kaunlaran.

Kunsabagay, ang lahat ng mga ito ay nakatatak na sa Prophecy ukol sa pag-uugali ng mga tao.

Galing ng analogy mo.

Mag-post ng isang Komento

Kung kayo'y may mga kaisipan na nais ninyong ibahagi, mga karanasang alam ninyong siyang maaaring maging isang kabanata para sa akdang ito, mga bagay na natuklasan na sa palagay ninyo'y dahilan kaya hindi umunlad-unlad ang bayan, mga mga bagay na inyong nais na pagdiskusyunan, o kaya'y mga bagay na nais nyo lamang ikuwento...

Kayo'y malugod kong inaanyayahan na magpadala lamang ng Mensahe sa address na ito:

Magpadala ng Mensahe

P.S.: Kung may alam kayong mga ilang blogsite o website na siyang may nilalaman na may kinalaman sa bayan, sa gobyerno, sa moral reform, atbp.

Ako'y humihingi ng pahintulot kung h'wag nyo sanang masamain na maipadala ninyo sa akin ang mga links upang maidagdag ko sa ibaba bilang pantulong para sa lalo pang pagpapaunlad ng mga kaalaman at pagpapalagablab ng damdaming makabayan.

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP