"...Halina't tayo ay maglakbay sa isang maikling talambuhay ng isang maliit na bata tungkol sa kaniyang pagtuklas sa bawat suliranin sa isang lipunan na kaniyang ginagalawan."

Kabanata I: “Sa Isang Dipa ng Langit”


Haaay! Umaga na naman… parang kailan lang at kay bilis nga naman ng panahon. Parang kahapon ay araw lamang ng Biyernes nang ako’y papauwi galing sa klase na tuwang tuwa pa at nagsisitakbo sa daanan habang sabik na sabik na papauwi sa aming bahay! Marahil… batid ko naman kasing basta sa araw ng Biyernes ay walang pasok kinabukasan! Marahil… nakatatak na nga sa aking isipan na kinabukasan ng araw na yaon ay isang espesyal na araw para sa akin lalung lalo na’t malayang araw iyon para naman ako’y makapaglaro muli kasama nina Nonoy, Pablo at ni Butsoy sa may parke. Hindi kasi ako pinapayagang makapaglaro sa tuwing araw na mayroong klase. Naalaala ko tuloy nang ako’y maanyaya minsan ng aking mga kaklase na makipaglaro, makipagbunuan, at makipaghabulan sa may hardin na bandanag patyo doon sa tabi ng simbahan. Napakaganda at napakalawak ng hardin na iyon at masasabing ang lugar na iyon ay siya ngang pinakaperpektong lugar ng paglalaruan.



Ngunit ang mali’y Lunes noon lalo’t may kasabihan ang aking mga magulang na sinusunod sa tuwing unang araw… maaaring sa unang araw ng taon, unang araw ng buwan o sa unang araw ng linggo. Pero… ewan ko! Ang sabi nila’y sa tuwing mga ganoong araw ay pagbutihin mo at iwasan ang mga hindi kanais nais na bagay kung sakali dahil ang araw na iyon daw ang magsisilbing pundasyon mo para sa susunod pang mga araw.



Dahil sa sobrang pananabik dala ng kagandahan ng hardin at lalo’t naroroon at kasama din ang aking lihim na ginigiliw na si Mina, na aking kaklase at bukod tanging pinakamaganda sa lahat para sa akin, ay tila unti unti kong nakakalimutan ang kabilinbilinan ni Tatay ko: ang huwag maglalaro sa tuwing ng araw nga pasukan lalo’t kung Lunes pa naman din! Eh? Papaano naman kasi… halos lahat na ata ng mga kaklase ko ay naroroon noong mga oras na iyon ng uwian… at lalo’t andoon pa ang aking kinagigiliwan? Sino naman kaya ang hindi mapapa-oo sa pangyayaring iyon?



At nangyari nga ang hinihintay… nagtakbuhan kaming lahat na magkakaklase tungo sa hardin. Naglaro kami ng tagu-taguan, patintero, mataya-taya, bang-sak , tatsing… at marami pang iba. Parang halos naghahalu-halo ang lahat ng nakakaaliw na kulay ng mga bulaklak sa hardin sa ligaya at tuwa na aming nararanasan… at mas lalo’t nahulog na tila yata ang langit ng magkasalubungan kami ng mga kamay ng aking ginigiliw! Haaay… naisip ko tuloy na kaawaawa naman siya. May isang lalong namumula ang mga pisngi nang hindi niya namamalayan. Pero… tama na iyon marahil na hindi niya malaman lalo’t mga bata pa kami. Kung maging asawa ko na siya sa napakamurang edad na ito, ano ang aking ipapakain lalo na’t papaano kung magkaroon pa kami ng anak galing sa kidlat at kulog gaya ng sabi ni nanay… ano ang ipapakain ko sa maliliit na nilalang na mga ito?



Mag-aagaw dilim na ata noon nang kaming lahat na magkakaklase ay halos naligo sa pawis at hapong hapo. Halos mangasimngasim na ang aking mga kilikili noon… pero wala namang tatalo pagdating kay Nestor. Halos nangigitim na ata ang gilid gilid ng mga linya sa may kilikili niya! Kinantyawan namin siya ng “Boy Toyo” dahil sa itim na guhit guhit sa kilikili niya.

Pinagmasdan ko ang magandang hardin, naku! Hindi na pala namin namalayang nasira na namin halos kalahati ng bilang ng mga bulaklak doon. Hindi na nga ito nagmukhang hardin! Hindi kaya magagalit si Padre Manuel dito sa pagkasira namin sa mga bulaklak na tanim nya?



Halos mayroong dilim nang nakaguhit sa langit nang magbigay kami ng paalam sa isa’t isa. Haay! Ang saya saya kong umuwi noon. Halos ako’y paluksolukso pa sa paglalakad at pakantakanta pa habang papauwi sa bahay namin… nguni’t iba ang nangyari sa aking pagpasok pa lamang sa pinto ng aming tahanan. Ang masayang ihip ng hangin na iyon ay dagling nawala pagkasalubong sa akin ni Tatay na may kasama pang sinturong nakapulupot sa kaniyang nanggigigil na kamay.

“Saan ka galing ikaw bata ka!!!”, ang nakakabingi at galit na galit niyang sigaw. Napasulyap ako sa orasan namin, alas-sais pasado na pala. Umamba ang braso ni tatay paitaas, umawat naman si nanay… ngunit nangyari nga ang dapat mangyari…


Halos papilaypilay akong pumasok sa paaralan at ang mga palo ay tila sariwa pa sa aking pwet na hindi naman gasinong matambok! Nangako ako sa sarili noon na hindi na ako kailanman makikipaglaro sa tuwing mga araw ng pasukan lalo’t kung ang araw na iyon ay Lunes… at kasabay ng sumpa na hindi na ako mapapalo ni Itay kailanman dahil sa aking pagkakamaling nagawa. Sumama din ang loob ko kay Mina. Kapag kinakausap niya ako, tinatakpan ko lamang ang aking mga tainga na parang walang naririnig. Sa tuwing kinakawayan naman ay tila wala akong nakikita. Ngunit… kasabay no’n ay naawa tuloy ako sa kanya… nagagalit ako sa kanya nang hindi naman n’ya alam ang dahilan! Nagtampo tuloy siya sa akin.



Haay… napapabuntong hinga na naman tuloy ako nang maalaala ko iyon at heto na naman ako… nakatulala sa hangin habang nakatitig sa bintana. Ayaw ko pang igalaw ang inaantok ko pang katawan. Parang tinatamad pa akong bumangon kaya’t tinitigan ko muna ang langit mula sa bintana.



Umagang umaga na nga! Halos karagatan na ang kulay ng himpapawid… at ang bughaw na kulay na iyon ay nakapanlalamig sa paningin ng aking mga mata habang minamasdan ko rin ang araw ay na unti unting sumisikat paitaas.


Kayganda nga naman ng langit. Ang langit? Nabatid ko tuloy ang nawika sa’kin minsan ni Lolo Protacio na mas kilalang “Tandang Tasyo” sa aming lugar.


Wika niya, “Ano ang langit? Ang langit ay hindi nakikita, … hindi nahihipo, … at hindi naaabot. Iyan ay hindi langit kundi siyang hangganan lamang ng pananaw at ng nakikita ng tao. Ang langit ay nasa tao…”


Baliw ang turing sa kanya ng marami dahil sa kanyang pamamaraan sa kung papaano siya mag-isip na lubos na hindi talaga maintindihan ng nakararami… dagdag pa ng madungis nitong pananamit at gulu-gulong nitong buhok na hindi na ata nasusuklay. Hmm… malamang ay lubhang na niyang napapabayaan ang sarili lalo’t nga’t napakatanda na niya at wala pa siyang kasa-kasama. Tama… siya’y nag-iisa na lamang at halos ulila na ngang talaga.



Naitanong ko tuloy sa aking sarili sa pagkakataong ito, “Sa mga taong nananahan sa bayang ito? May salitang langit pa ba para sa kanila?” Halos kakikitaan ko kasi na tila wala nang pag-asa ang bayan na ito na umunlad gaya ng pagkarinig ko minsan sa laging painis na nasasambit ni Tatay habang siya’y nanonood ng mga balita sa telebisyon. ‘Yun ang naririnig ko sa kanya kaya’t malamang… tama ang mga salitang iyon.



Ngunit hindi pa rin mawala sa maliw ko ang idinagdag na pahayag ni Lolo Tasyo sa akin na… “Ngunit magkagayon man daw… kahit ang langit man ay hindi natin mahipo, hindi maabot, at ni hindi mahaplos, Ang magandang kalangitang siyang hangganan ng ating nakikita’t pananaw ay palaging mananatiling naririyan at hindi mawawala sa itaas… hindi upang tayo’y panghinaan ng loob kundi’y upang tayo’y lalong magpursigi at lalong magsumikap na maabot ang langit na iyan kahit na alam nating aabutin tayo ng mahabang panahon upang mapagtagumpayan ang ating mga adhika’t mga pangarap!”



“Eh… Tatang? Papaano kung gabi naman? Papaano kung ang langit ay nasa binggit ng kadiliman? Ni wala ka nang makita kundi kadiliman. Walang mga ulap na maaaliwalas o kaya’y kahit ang araw man lamang na sumisikat at nagsasabog ng liwanag ay hindi mahagap ng inyong paningin? Walang kang makitang liwanag kundi tanging buwan lamang na siyang malabo naman ang binibigay na ilaw sa atin kasama ng mga maliliit lang na mga bituwin?”, ang naitanong ko sa kanya sa mga oras na iyon. Napangiti siyang tumitig sa aking mga mata na tila ang mga mata niya’y kumikislap kahit na malabo na ang kaniyang paningin. Kasabay nito’y ang kanyang dagling pagsagot sa aking katanungan.



“Kung gayo’y naririyan ang mga tala sa malalim na gabi. Maliliit lamang sila at ang pagliliwanag nito’y hindi gaanong nakakasilaw hindi tulad ng sa araw. Magkagayon pa man ay nagsasabog pa rin sila ng ningning, ng liwanag. Malabo man ang ningning nito ngunit ito’y nagsisilbing tanglaw… nagsisilbing munting liwanag sa taong nagdurusa sa kaliliman ng gabi…, at mas lalo’t ito’y nagsisilbing gabay… nagsisilbing direksyon sa taong nawawalan ng landas tungo sa muling pagbukang liwayway.”



Lubos na may pagkalalim ang kaniyang mga sinabi at sadyang hindi pa maunawaan ng aking mura at sariwang pag-iisip. Ngunit… magkagayon man… naantig ang aking puso at halos gusto ko na atang lumuha kahit hindi ko alam kung bakit.



Ay! Naisip ko tuloy na sana narinig iyon ni Tatay sa mga panahong iyon. Tila sira na kasi ang pagtingin niya sa bayang ito… pag-asa na nga lang ang natitira, papabayaan pa itong makaalpas?

Patuloy ang pagtingin ko sa napakagandang kalangitan mula sa bintanang halos isang dipa lamang kung susukatin sa malayo ng aking maliliit na palad. Ang malas nga lamang… habang patuloy ang aking pagkatulala sa magandang langit ay may malakas ngunit malambing na tinig mula sa ibaba ang tumawag sa akin– iyon ay si Inay…

Copyright © 2009 by J. Estoque
All Rights Reserved

3 Mga Reaksyon:

Inday Hunyo 24, 2009 nang 7:00 AM  

Napakaganda ng estorya na ito. At ang leksiyong kaakibat nito ay wala ring kasingganda.

Si Lolo Tasyo gusgusin at sira ulo man sa paningin ng mga tao sa kanya ay siyang bukal ng karunungan. Kaso dahil sa mapang-uri nating ugali, ang tao ay hindi kinikilalang matalino pag ang itsura niya ay hindi naiiakma sa itsura ng artista or politika.

Very poignant. Deep in moral on the part of Integrity represented by the tiny twinkling of the stars that illumined the dark night. The hope that it carries amidst hopelessness as represented by dark nights.

Sa unahan, it pays to obey and honour the parents. After all, panglimang Commandment yan galing sa Panginoon di ba? Tama rin si Lolo Tasyo duon sa sinabi niyang ang langit ay TAYO! Not the sky, not the horizon.

Jesusa Bernardo Hulyo 10, 2009 nang 5:23 AM  

Natutuwa ako at ikaw ay nagsusulat o nag.bloblog sa ating sariling wika. Nagagalak din ako na mukhang marubdob and iyong pagmamahal sa bayan, batay na rin sa interes mo sa kasaysayan at ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.

Kung hindi mo mamasamain, maari ba kitang payuhan na tuklasin mo rin ang ating ibang mga bayani, lalong-lalo na ang isa pa nating pambansang bayani na si Andres Bonifacio. Kung ikaw ay medyo nagtaka sa huli kong pangungusap, mainam siguro ay basahin mo hanggang sa dulo ang isa kong artikulo tungkol kay Bonifacio:

Gat Andres Bonifacio: The Anti-Colonial National Hero of the Philippines


Maraming salamat sa pagkakatong ito.

Jesusa

Inday Hulyo 16, 2009 nang 10:39 AM  

May suggestion ako dito ayon kay Jesusa.

Mas mainam siguro na ang bawat isa na nagdadalubhasa sa buhay ng mga bayani ay may kanya-kanyang specialty.

May isang hahawak sa buhay ni Mabini, Agoncillo, Rizal ...etc. Para ang field of concentration ay buo at hindi watak-watak.

Para bang Specialized Theme at ang mambabasa ay hindi maligaw sa pagsunod ng bawat kabanata.

Dito lang sa mga Pinoy blog nabuhay ang pagpraktis ko ng Tagalog dahil hindi ako katutubong Tagalog kaya kung minsan di ko maiialis ang hindi haluan ng English ang comment or reaksiyon ko.

Sana huwag magdamdam sa akin si Jesusa. I'll visit your blog one day. Time to sleep na. Mag 4am na dito.

Mag-post ng isang Komento

Kung kayo'y may mga kaisipan na nais ninyong ibahagi, mga karanasang alam ninyong siyang maaaring maging isang kabanata para sa akdang ito, mga bagay na natuklasan na sa palagay ninyo'y dahilan kaya hindi umunlad-unlad ang bayan, mga mga bagay na inyong nais na pagdiskusyunan, o kaya'y mga bagay na nais nyo lamang ikuwento...

Kayo'y malugod kong inaanyayahan na magpadala lamang ng Mensahe sa address na ito:

Magpadala ng Mensahe

P.S.: Kung may alam kayong mga ilang blogsite o website na siyang may nilalaman na may kinalaman sa bayan, sa gobyerno, sa moral reform, atbp.

Ako'y humihingi ng pahintulot kung h'wag nyo sanang masamain na maipadala ninyo sa akin ang mga links upang maidagdag ko sa ibaba bilang pantulong para sa lalo pang pagpapaunlad ng mga kaalaman at pagpapalagablab ng damdaming makabayan.

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP