Kabanata IV: “Mga Adhika!”
Medyo may pagkatagal-tagal din. Mahaba-haba kasi yung pila. Marami-rami rin ang bumibili. Sa tabi ng tindahan ay may narinig akong nakakabighaning musika ng mga biyulin. Halos magsisimula pa lamang ang awitin. Si Pachelbel yata ang kompositor no’n at ang nakakahalinang musika ay ang Kanon D-dur nga yata. Tama! Yun nga dahil napatugtog na ‘yon minsan ng guro namin sa musika. Kaya napatitig tuloy muli ako sa langit, bagay na ginawa ng D’yos na kinagigiliwan kong pagmasdan! Napakaganda! Nakakaantig ang bughaw at asul na kulay na nakaguhit sa kalangitan habang pinagmamasdan ko ang mapuputi’t malalambot na mga ulap na unti-unting nagbabago ng p’westo at lumilipad hanggang sa matakpan nito ang sikat ng araw. Unti-unti habang ang sinag ng araw ay nawawala… ay lalong kumukulimlim. Sa lalong pagkulimlim ay lalong lumalamig at sumasarap ang simoy ng hangin. Naririnig ko pa ang mahihinang sipol nito sa mga puno na unti-unti namang lumalawiswis habang naririnig ko ang masasayang paghuhuni’t pagpapagaspas ng masasayang mga ibon. Kaysarap ng pakiramdam! Sa mga taong naririto…, naabot na kaya nila ang langit? Malamang ay wala pa nga pala. Hangganan nga lamang pala iyon ng nakikita tulad ng sabi ni Lolo Tasyo.
Pero… ang ganda talaga ng langit! Nais kong makalipad, pero wala akong mga pakpak! Nais kong mangarap na makalipad balang araw, pero ang ganoong pangarap ay pinutol na ni Tatay sa kadahilanang imposible daw talaga na makalipad ang tao! Ay! Pangarap na nga lamang ang natitira sa akin. Hanggang sa panaginip na lamang ako aaasa… pero ayaw kong manatili lamang nang ganoon. Hindi daw iyon uri ng pangangarap kundi uri daw iyon ng pagkapit sa kasinungalingan! …Sabi ni Lolo Tasyo. Wika n’ya, “Kung ika’y mangangarap, mangarap ka ng bagay na alam mong kayang mong abutin. H’wag kang mangangarap dahil lamang sa ikaw ay nangangarap. Mali iyon! Dahil lalo mo lamang nilulunod sa kasinungalingan ang iyong sarili… lalo mo lamang binubulag ang iyong mga mata sa totoo mong nakikita… sa kung ano ang mundo at sa kung ano ang nararapat mong gawin sa mundo at gayun din sa iyong bayan na iyong ginagalawan! Dahil kung magkataong ika’y magising sa sinungaling na mga pangarap, Ikaw rin ang magluluksa bandang huli!”
Hindi ko na naman lubos na maunawaan iyon pero kahit kaunti’y alam kong may tumimo sa dibdib ko… na kung ako man ay mangangarap, dapat kong pagsikapan na matamo ko iyon! … at ang pangarap kong iyon marahil ay magawa ko ang aking mga responsibilidad bilang isang Krist’yano, bilang anak ng aking mga magulang, at bilang anak ng bayan! …At ano ang aking responsibilidad sa ngayon para sa bayan? Walang iba kundi ang mag-aral nga marahil nang mabuti.
Nakita ko ang mga tao sa paligid: ang tindero, ang tsuper, ang mga empleyadong nagsisipasok, at naisip ko rin ang iba pang mga bahagi ng ating bayan: mga guro, mga pari, mga sundalo, mga opisyal, mga magsasaka, at marami pang iba. Naitanong ko kung ano naman ang kanilang tungkulin. Hindi ang magsisigaw sa kalsada sa wala… kundi ang gawin din nila ang kanilang tungkulin sa bayan: ang magturo, ang maggabay sa pananampalataya ng bayan, ang maggabay sa batas ng bayan, ang pagbuklurin ang maraming tao, ang magsaka para sa pagkain ng lahat, ang ipagtanggol ang maraming tao, ang magtinda ng marangal, ang mamasada’t magbigay serbisyo sa lahat at marami pang iba!
Nalaala ko ang Lego kanina. Tama! Kung ang bawat isa’y bahagi ng lahat… at kung ang bawat bahagi ng lahat ay ginagawa ng mahusay at matino ang kanilang tungkulin… at lalo’t kung ang lahat ng iyon ay nagsama-sama at nagtulung-tulong… ang ating bayan ay sisikat muli katulad ng araw ngayong umaga na halos ang walong sinag nito’y naglalagablab!
May tila nararamdaman ako ngayong hindi ko maintindihan… at ang bagay na yao’y tila hindi mailarawan ng aking mga labi kundi ang sabihing parang nag-aapoy din ang aking puso. Tama! Maliit man ako at munting bata pa lamang, wala man akong alam sa pulitika ni nais maging pulitiko , … pero nais kong maging bahagi ng muling pag-usbong ng bayan kahit sa mga gawaing payak lamang… at sa pagkakaalam ko… ito ay ang mag-aral na munang mabuti.
Ako na ang nasa tapat ni Manong Kalbo sa kaniyang tindahan kaya’t ginawa ko na ang ipinag-uutos sa’kin nanay. Nang pagkaabot ng binibili ko at ng sukli nito ay agad na akong nagtungo papauwi. Malapit na ako sa aming bahay nang may nakita akong asong nagtatahulan at dalawang magkapitbahay na nag-aaway at nagsisigawan mula sa ‘di kalayuan…
Copyright © 2009 by J. Estoque
All Rights Reserved
0 Mga Reaksyon:
Mag-post ng isang Komento